Showing posts with label Mysteries. Show all posts
Showing posts with label Mysteries. Show all posts

5 June 2021

Ang Misteryo ng Bermuda Triangle

 

    Ang ating mundo ay sagana sa magagandang tanawin mula sa malalawak na kabundukan, bughaw na karagatan, nakakakamanghang talon at lawa, maging ng mga nakakaaliw na mga bulaklak at ibat-ibang uri na mga hayop at halaman. Subalit sa likod ng mga nakakahamanghang likas na yaman ng ating daigdig, di maikakailang ang ating mundo ay nababalot pa rin ng ibat-ibang uri ng misteryo. Isa na nga rito ang itatampok natin sa kwentong ito.

     Siguro minsay ay narinig mo na ang Bermuda Triangle. Sa kwentong ito, ating aalamin kung bakit nga ba naging usap-usapan ang Bermuda Triangle at ano nga ba ang totoong dahilan sa di umanoy misteryosong pagkawala ng maraming barko at eroplano sa tuwing naglalakbay ang mga ito sa Bermuda Triangle?

     Ang Bermuda Triangle ay mas kilala rin sa bansag na “The Devil’s Triangle”. Sa pangalan pa lang nito, masasabi mong ito ay kinakatatakutan ng maraming tao. Ito ay matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng baybayin ng Estados Unidos sa Atlantic Ocean. Ang hugis tatsulok na parte ng karagatang ito may lawak na 500,000 hangang 1.5m square miles na napapagitna sa Miami Florida, Puerto Rico, at Bermuda. Tinatayang may mahigit sa dalawang libong barko at 75 na eroplano ang naitalang naaksidente at nawala sa loob ng 500 years dito sa kinakatatakutang lugar ng The Devil’s Triangle.

     Nagsimula umano ang mga estorya patungkol sa misteryo ng Bermuda Triangle kay Christopher Columbus. Siya ay isang Italianong explorer at navigator na nagsilbi sa pamumuno ng hari ng Espanya na si King Ferdinand. Si Christopher Columbus ang syang naging instrumento upang matuklasan ng Europa ang kapuloan ng America. Isang gabi ng kanyang expedisyon, nakita diumano ni Christopher Columbus ang isang bagay na nag aapoy na nahulog mula sa kalangitan papunta sa bahagi ng karagatan habang sya ay naglalakbay sa Bermuda Triangle. Subalit mas naging usap usapan ang misteryo ng Bermuda Triangle nuon lamang 20th Century nang biglang naglaho ang isang US Navy Cargo Ship na USS Cyclops na may sakay na higit 300 katao. Ang barkong ito ay may dalang sampung-libong toneladang manganese ore mula Brazil at nagtungo sa bansang Barbados para kumuha ng mga suplay na syang gagamitin sa siyam na araw na paglalakbay papuntang Baltimore Harbor sa Maryland, USA. Subalit, sa paglisan ng USS Cyclops sa Barbados, ang naturang barko at ang sakay nitong 300 katao ay kailanman hindi na narinig at nasilayan. Matapos ang napabalitang pagkawala ng mga ito ay sumunod ang paghahanap ng navy sa karagatan subalit sila ay nabigong makahanap ng anumang bakas ng barko, kahit man lang tagas ng langis mula rito. Kaya naman, kalaunan ay itinigil na ang paghananap dito.

     Bukod sa USS Cyclops, isa ring misteryo ang pagkawala ng Flight 19. Ang Flight 19 ay kinabibilangan ng limang TBM Avenger torpedo bombers sakay ang 14 katao para sa isang routine training flight. December 5, 1945, bandang alas 2:10 ng hapon, ang limang torpedo bombers ay lumipad mula sa Naval Air Station sa Fort Lauderdale sa Florida. Ang flight leader dito ay si Lieutenant Charles Taylor, isang eksperyensyadong piloto at beterano sa mga misyong pandigma sa panahon ng World War 2. Naging maayos ang simula ng kanilang routine, at matagumpay naman nilang naihulog ang mga practice bombs na walang problema. Subalit kalaunan, nung patungo na ang Flight 19 sa bandang norte para sa second leg ng kanilang routine, isang kakaibang pangyayari ang kanilang naranasan. Bandang alas 3:30 ng hapon, nagpadala ng mensahe si Lt. Charles Taylor sa control tower.

    Umano’y sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagkaroon ng problema sa kanilang compass at sinasabing ang kanilang eroplano ay nasa maling direksyon. Pagkatapos ng 15 minuto, muling narining si Lt. Taylor na parang nalilito sa kanilang direksyon at nawawala. Ayon sa kanya, tilay hindi nila nakikita ang lupa at pawang nawawala na sila.

     Pagkatapos ng dalawang oras, bandang 5:50pm, ang Flight 19 ay natrace sa radar ng ComGulf Center at ito ay namataan sa silangan ng New Smyrna Beach sa Florida. Subalit dahil sa mahirap na komunikasyon dulot ng masamang panahon, ang impormasyon sa tunay nilang lokasyon ay hindi maipadala sa Flight 19.

     Kaya naman, bandang 7:27pm, dalawang Martin Mariner planes ang ipinadala upang hanapin ang avenger planes ng Flight 19. Ang mariner planes na ito ay parang flying boats na pwedeng mag land sa dagat. Ang paghahanap ay ginawa buong gabi hanggang sa sumunod na araw. Subalit maging ang isa sa dalawang mariner planes ay hindi na rin nakabalik at umanoy naglaho rin tulad ng Flight 19.

     Sa pagdaan ng panahon, patuloy na dumarami ang naitalang misteryosong pagkawala at aksidente sa Bermuda Triangle. Lumabas din ang iba’t-ibang haka haka at bersyon ng eksplanasyon tungkol dito. Diumano ang karagatan ay pinamumugaran ng masasamang elemento, may mga ipo ipo na diumanoy malakas na puwersang humihila sa kahit anong bagay na dumadaan dito at dinadala sa ibang dimensyon. 

    May mga nagsasabi rin daw na dito nakahimlay ang lumubog na syudad ng Atlantis. Ayon naman sa iba na ang hindi maipaliwanag na pagkawala ng mga tao, barko, o eroplano ay dahil sa presensya ng mga extraterrestrial life o aliens na dumudukot ng mga tao para pag-aralan ang mga ito at ang buhay dito sa mundo. Subalit, ang ilan ay may siyentipikong paliwanang tungkol sa Bermuda Triangle. Isa na nga rito ay ang teorya ng electromagnetic interference na nagiging sanhi ng mga problema sa compass na isang instrumentong ginagamit sa paglalakbay. Ang problema sa compass ang syang naging sanhi ng pagkawala ng direksyon na dahilan ng aksidente at pagkawala ng mga barko. 

    Isa ring konsiderasyon sa misteryo ng Bermuda Triangle ay ang kalagayan ng panahon sa lugar sapagkat ito ay daanan ng mga tropical storms at hurricanes at ang mabilis at pabago bagong panahon dito ang posibleng sanhi ng pagkawala at pagkamatay ng maraming tao. Hindi rin naman maikailang posibleng human error ang dahilan ng mga aksidente at pagkawala dito o kaya naman ay ang posibleng pag atake ng mga pirata.

     Hanggang sa kasalukuyan, walang ni isang teorya ang makapagbibigay ng konkretong eksplanasyon sa misteryo ng Bermuda Triangle at marami parin ang naniniwalang walang kakaiba o problema sa rehiyon sapagkat halos lahat ng mga insidente ng pagkawala dito ay walang kredibilidad na report at may iba’t-ibang bersyon, at kadalasan ay gawa gawa o kathang isip lamang.

    Ikaw kaibigan, ano sa tingin mo ang tunay na dahilan sa misteryosong pagkawala ng mga tao, barko, at eroplano sa Bermuda Triangle?

Ang Madugong Kasaysayan ng San Juanico Bridge…Totoo nga Kaya?



      Ang tulay ng San Juanico ay may habang 2.16 kilometro na nagkokonekta sa Leyte at Samar. Ito ay kilala nuon sa tawag na Marcos Bridge bilang karangalan sa dating Presidente na si Ferdinand Marcos. Ang San Juanico Bridge ay ang tinaguriang pinakamahabang tulay dito sa Pilipinas. 

    Ayon sa kwento, ang tulay ay regalo ng dating presidente sa kanyang asawa na isang residente ng Tacloban City nung kanyang kabataan. Kaya naman, ito rin ay kilala sa tawag na The Bridge of Love bilang isang dedikasyon ng pagmahahal ng dating pangulo sa kanyang sinisintang si Imelda. Si Imelda ay tanyag din sa bansag na The Rose of Tacloban.


     Ang proyektong ito ay may budget na 21.9 million dollars na naka kontrata sa ngayon ay Philippine National Construction Corporation. Ito ay sa pakikipag ugnayan ng mga Japanese engineers na syang nag-aral at nag desinyo sa aktwal na proyekto sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Marcos. Ang pagpapatayo ay tumagal ng mahabang panahon mula taong 1969 hanggang 1973. Kung titingnan sa taas, ang struktura ng tulay ay may hugis na letrang L o S depende sa kung saang anggulo mo ito titingnan.

     Subalit alam mo ba na ang tulay na ito ay may nakakatakot na kasaysayan ayon na rin sa paniniwala ng mga nakatatanda? At hanggang ngayon ay tila hindi na mabura-bura sa kasaysayan kung pag-uusapan ang tulay ng San Juanico.

     Ang pagpapatayo ng tulay ay pinangungunahan ni Imelda Marcos. Ayon sa estorya, dahil sa matagal na panahong hindi matapos tapos ang tulay, komunsulta diumano si Imelda sa isang manghuhula. 

    Ayon sa manghuhula, hinding hindi matatapos ang tulay hanggat walang dugo ng mga bata ang isasaboy sa pundasyon nito. Kaya naman, ay iniutos diumano ni Imelda ang pagdukot ng mga batang kalye upang silitan ang mga leeg nito at gawing alay ang mga dugo. 

    Isang pagpapatunay diumano sa mga kontrobersiyang ito, ay ang pagkawala ng mga kabataan at ang insidente ng kidnapping sa Samar at Leyte sa kasagsagan ng pagpapatayo ng mismong tulay. Kaya naman, mas naging usap usapan na ginagamit ang mga kabataan upang maging alay sa pamamagitan ng isang demonic na ritual upang masiguradong matatag ang pundasyon ng tulay. Diumano, ay itinataboy din ang mga patay na katawan ng mga kabataan sa ilog malapit dito. Subalit, isang sirena o diwata ng ilog ang nakakita sa karumal dumal na mga pangyayaring ito at isinumpa ang First Lady. 


    Kaya naman, ayon sa sabi sabi, minsan ay tinubuan si Imelda ng mga kaliskis sa kanyang paa at nangangamoy langsa ng isda. Ito daw ang naging rason kung bakit palaging nagsusuot ng mataas na skirts o palda si Imelda at noon ay madalas na naliligo.

     Hanggang sa kasalukuyan, naniniwala pa rin ang karamihan tungkol sa estoryang ito at iniuugnay ang kasaysayan nito sa mga diumanoy mga kaluluwang ligaw na gumagambala sa mga tao at motoristang dumaraan dito.

     Taong 2013 matatandaang hinagupit ng malakas na bagyong Yolanda (Haiyan) ang Leyte at Samar na nagdulot ng mga sira sa tulay. Ilang lindol na rin ang pinagdaanan ng tulay na ito na sumubok sa katatagan ng pundasyon nito. Subalit ito ay nananatiling matatag at hanggang ngayon ay syang pangunahing daanan sa silangang bahagi ng Visayas.

 

 

Alam Mo Ba Kung Bakit Walang 13th Floor Ang Mga Building?




    Bakit nga ba walang 13th floor ang mga building? Halos lahat sa atin ay nakapunta na sa silid ng isang mataas na gusali o skyscraper, nakasakay sa elevator at siguro naman ay napansin mo na walang 13th floor ang elevator button. Bakit nga ba walang 13th-floor sa button tuwing sasakay ka sa elevator ng mga building? Yan ang aalamin natin dito sa Rewrite Facts PH! 

     Sa ibat-ibang bansa, ang number 13 ay pinaniniwalaang nagdadala ng kamalasan kaya naman ay sadyang hindi ito isinasali sa tuwing nagpapatayo ng gusali ang mga tao. Walang nakakaalam kung saan nagsimula ang paglaktaw ng numero 13 sa pagbilang ng level ng palapag ng mga gusali at skyscraper. Ang takot sa number 13 ay tinatawag na triskaidekaphobia. Pinaniniwalaang nagsimula ang pagkatakot sa numerong 13 sa panahon ni Hesu Kristo. Kung matatandaan sa Last Supper, hinati ni Hesu Kristo ang tinapay sa labindalawang piraso. Ang ika-13 na tao sa silid na iyon ay si Hudas Iscariote, na sa ating pagkakaalam, ang siyang nag traydor kay Hesu Kristo kalaunan. Dahil dito, naging iba na ang paniniwala ng mga tao sa numerong ito. 



     Ang triskaidekaphobia ay ang lubhang pagkatakot sa number 13. Hindi lamang ito nagdudulot ng mild discomfort sa mga taong may ganitong uri ng phobia. At dahil ito ay isang uri ng phobia, ito rin ay nagdudulot ng sintomas ng acute anxiety sa tao sa tuwing sila ay nakakasalamuha ng mga bagay na kanilang kinakatatakutan, kagaya ng pagkatakot sa numero 13. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pagkahilo, pagsusuka, hirap sa paghinga, mabilis na tibok ng puso, pagpapawis, at pagpa panic. Ang paglaktaw sa numerong 13 sa palapag ng mga building ay upang iwasan ang ganitong karanasan ng mga taong may disorder. 

     May ilan ding paniniwala na ang pagkatakot sa number 13 ay nagsimula sa pinakamatandang naisulat na libro sa kasaysayan - ang Code of Hammurabi. Kung ating balikan ang kasaysayan, nagsimula ang kauna unahang sibilisasyon ng daigdig sa Mesopotamia (na sa kasalukuyan ay ang bahagi ng Iraq, Kuwait, Turkey at Syria). Ang Code of Hammurabi ay naglalaman ng 282 na mga batas na isinulat ng mga skriba sa 12 tableta. Ayon sa mga istorya, sinadyang tanggalin ng may akda ang numerong 13 sa listahan ng mga batas. Subalit kalaunan, nadiskobre ng mga historian at archaeologists na isa lamang itong clerical error subalit hindi na maiiba ang paniniwala ng mga tao tungkol sa numerong ito.



     Isang teorya ang nagpapaliwanag na hindi naman talaga nawawala o nilalaktawan ang 13th floor lalo na sa mga gusali ng gobyerno, usap-usapang ito ay naglalaman ng mga pinaka-nakatatagong sekreto at lihim na mga transaksyon ng pamahalaan o di kaya ay may masasamang nangyayari sa loob nito na lingid sa kaalaman ng nakakarami. Isang additional na kaalaman, ang unang skyscraper na itinayo ay ang Home Insurance Building sa Chicago noong 1885. At ang gusaling ito ay walang 13th floor. 




     Noong nagsimula nang mag usbongan ang mga gusali sa malalaking syudad ng America, sinadyang laktawan ang numerong 13 sa paglalagay ng mga numero sa palapag ng mga gusali dahil nga sa paniniwalang malas ito at maaaring walang sinoman ang maisipang tumira o umupa sa 13th floor. At dahil nga naging colony ng mga Amerikano ang Pilipinas, nakagawian na rin natin ang ganitong paniniwala kaya halos lahat ng mga gusali dito sa ating bansa ay wala ding 13th floor. 

     Lahat tayo ay may iba’t ibang pinaniniwalaan. Ano’t ano paman ito, ang importante ay marunong tayong rumespeto sa paniniwala ng iba. Ang numero 13 ay hindi malas sa lahat ng pagkakataon. Si Taylor Swift nga ay ipinanganak ng December 13 at ayon sa kanya ay swerte ang numero 13. Sana nagustuhan mo ang kwentong ito. Maraming salamat kaibigan, hanggang sa susunod nating tampok dito sa Rewrite Facts PH.