5 June 2021

Ang Misteryo ng Bermuda Triangle

 

    Ang ating mundo ay sagana sa magagandang tanawin mula sa malalawak na kabundukan, bughaw na karagatan, nakakakamanghang talon at lawa, maging ng mga nakakaaliw na mga bulaklak at ibat-ibang uri na mga hayop at halaman. Subalit sa likod ng mga nakakahamanghang likas na yaman ng ating daigdig, di maikakailang ang ating mundo ay nababalot pa rin ng ibat-ibang uri ng misteryo. Isa na nga rito ang itatampok natin sa kwentong ito.

     Siguro minsay ay narinig mo na ang Bermuda Triangle. Sa kwentong ito, ating aalamin kung bakit nga ba naging usap-usapan ang Bermuda Triangle at ano nga ba ang totoong dahilan sa di umanoy misteryosong pagkawala ng maraming barko at eroplano sa tuwing naglalakbay ang mga ito sa Bermuda Triangle?

     Ang Bermuda Triangle ay mas kilala rin sa bansag na “The Devil’s Triangle”. Sa pangalan pa lang nito, masasabi mong ito ay kinakatatakutan ng maraming tao. Ito ay matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng baybayin ng Estados Unidos sa Atlantic Ocean. Ang hugis tatsulok na parte ng karagatang ito may lawak na 500,000 hangang 1.5m square miles na napapagitna sa Miami Florida, Puerto Rico, at Bermuda. Tinatayang may mahigit sa dalawang libong barko at 75 na eroplano ang naitalang naaksidente at nawala sa loob ng 500 years dito sa kinakatatakutang lugar ng The Devil’s Triangle.

     Nagsimula umano ang mga estorya patungkol sa misteryo ng Bermuda Triangle kay Christopher Columbus. Siya ay isang Italianong explorer at navigator na nagsilbi sa pamumuno ng hari ng Espanya na si King Ferdinand. Si Christopher Columbus ang syang naging instrumento upang matuklasan ng Europa ang kapuloan ng America. Isang gabi ng kanyang expedisyon, nakita diumano ni Christopher Columbus ang isang bagay na nag aapoy na nahulog mula sa kalangitan papunta sa bahagi ng karagatan habang sya ay naglalakbay sa Bermuda Triangle. Subalit mas naging usap usapan ang misteryo ng Bermuda Triangle nuon lamang 20th Century nang biglang naglaho ang isang US Navy Cargo Ship na USS Cyclops na may sakay na higit 300 katao. Ang barkong ito ay may dalang sampung-libong toneladang manganese ore mula Brazil at nagtungo sa bansang Barbados para kumuha ng mga suplay na syang gagamitin sa siyam na araw na paglalakbay papuntang Baltimore Harbor sa Maryland, USA. Subalit, sa paglisan ng USS Cyclops sa Barbados, ang naturang barko at ang sakay nitong 300 katao ay kailanman hindi na narinig at nasilayan. Matapos ang napabalitang pagkawala ng mga ito ay sumunod ang paghahanap ng navy sa karagatan subalit sila ay nabigong makahanap ng anumang bakas ng barko, kahit man lang tagas ng langis mula rito. Kaya naman, kalaunan ay itinigil na ang paghananap dito.

     Bukod sa USS Cyclops, isa ring misteryo ang pagkawala ng Flight 19. Ang Flight 19 ay kinabibilangan ng limang TBM Avenger torpedo bombers sakay ang 14 katao para sa isang routine training flight. December 5, 1945, bandang alas 2:10 ng hapon, ang limang torpedo bombers ay lumipad mula sa Naval Air Station sa Fort Lauderdale sa Florida. Ang flight leader dito ay si Lieutenant Charles Taylor, isang eksperyensyadong piloto at beterano sa mga misyong pandigma sa panahon ng World War 2. Naging maayos ang simula ng kanilang routine, at matagumpay naman nilang naihulog ang mga practice bombs na walang problema. Subalit kalaunan, nung patungo na ang Flight 19 sa bandang norte para sa second leg ng kanilang routine, isang kakaibang pangyayari ang kanilang naranasan. Bandang alas 3:30 ng hapon, nagpadala ng mensahe si Lt. Charles Taylor sa control tower.

    Umano’y sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagkaroon ng problema sa kanilang compass at sinasabing ang kanilang eroplano ay nasa maling direksyon. Pagkatapos ng 15 minuto, muling narining si Lt. Taylor na parang nalilito sa kanilang direksyon at nawawala. Ayon sa kanya, tilay hindi nila nakikita ang lupa at pawang nawawala na sila.

     Pagkatapos ng dalawang oras, bandang 5:50pm, ang Flight 19 ay natrace sa radar ng ComGulf Center at ito ay namataan sa silangan ng New Smyrna Beach sa Florida. Subalit dahil sa mahirap na komunikasyon dulot ng masamang panahon, ang impormasyon sa tunay nilang lokasyon ay hindi maipadala sa Flight 19.

     Kaya naman, bandang 7:27pm, dalawang Martin Mariner planes ang ipinadala upang hanapin ang avenger planes ng Flight 19. Ang mariner planes na ito ay parang flying boats na pwedeng mag land sa dagat. Ang paghahanap ay ginawa buong gabi hanggang sa sumunod na araw. Subalit maging ang isa sa dalawang mariner planes ay hindi na rin nakabalik at umanoy naglaho rin tulad ng Flight 19.

     Sa pagdaan ng panahon, patuloy na dumarami ang naitalang misteryosong pagkawala at aksidente sa Bermuda Triangle. Lumabas din ang iba’t-ibang haka haka at bersyon ng eksplanasyon tungkol dito. Diumano ang karagatan ay pinamumugaran ng masasamang elemento, may mga ipo ipo na diumanoy malakas na puwersang humihila sa kahit anong bagay na dumadaan dito at dinadala sa ibang dimensyon. 

    May mga nagsasabi rin daw na dito nakahimlay ang lumubog na syudad ng Atlantis. Ayon naman sa iba na ang hindi maipaliwanag na pagkawala ng mga tao, barko, o eroplano ay dahil sa presensya ng mga extraterrestrial life o aliens na dumudukot ng mga tao para pag-aralan ang mga ito at ang buhay dito sa mundo. Subalit, ang ilan ay may siyentipikong paliwanang tungkol sa Bermuda Triangle. Isa na nga rito ay ang teorya ng electromagnetic interference na nagiging sanhi ng mga problema sa compass na isang instrumentong ginagamit sa paglalakbay. Ang problema sa compass ang syang naging sanhi ng pagkawala ng direksyon na dahilan ng aksidente at pagkawala ng mga barko. 

    Isa ring konsiderasyon sa misteryo ng Bermuda Triangle ay ang kalagayan ng panahon sa lugar sapagkat ito ay daanan ng mga tropical storms at hurricanes at ang mabilis at pabago bagong panahon dito ang posibleng sanhi ng pagkawala at pagkamatay ng maraming tao. Hindi rin naman maikailang posibleng human error ang dahilan ng mga aksidente at pagkawala dito o kaya naman ay ang posibleng pag atake ng mga pirata.

     Hanggang sa kasalukuyan, walang ni isang teorya ang makapagbibigay ng konkretong eksplanasyon sa misteryo ng Bermuda Triangle at marami parin ang naniniwalang walang kakaiba o problema sa rehiyon sapagkat halos lahat ng mga insidente ng pagkawala dito ay walang kredibilidad na report at may iba’t-ibang bersyon, at kadalasan ay gawa gawa o kathang isip lamang.

    Ikaw kaibigan, ano sa tingin mo ang tunay na dahilan sa misteryosong pagkawala ng mga tao, barko, at eroplano sa Bermuda Triangle?

0 comments:

Post a Comment