5 June 2021

Alam Mo Ba Kung Bakit Walang 13th Floor Ang Mga Building?




    Bakit nga ba walang 13th floor ang mga building? Halos lahat sa atin ay nakapunta na sa silid ng isang mataas na gusali o skyscraper, nakasakay sa elevator at siguro naman ay napansin mo na walang 13th floor ang elevator button. Bakit nga ba walang 13th-floor sa button tuwing sasakay ka sa elevator ng mga building? Yan ang aalamin natin dito sa Rewrite Facts PH! 

     Sa ibat-ibang bansa, ang number 13 ay pinaniniwalaang nagdadala ng kamalasan kaya naman ay sadyang hindi ito isinasali sa tuwing nagpapatayo ng gusali ang mga tao. Walang nakakaalam kung saan nagsimula ang paglaktaw ng numero 13 sa pagbilang ng level ng palapag ng mga gusali at skyscraper. Ang takot sa number 13 ay tinatawag na triskaidekaphobia. Pinaniniwalaang nagsimula ang pagkatakot sa numerong 13 sa panahon ni Hesu Kristo. Kung matatandaan sa Last Supper, hinati ni Hesu Kristo ang tinapay sa labindalawang piraso. Ang ika-13 na tao sa silid na iyon ay si Hudas Iscariote, na sa ating pagkakaalam, ang siyang nag traydor kay Hesu Kristo kalaunan. Dahil dito, naging iba na ang paniniwala ng mga tao sa numerong ito. 



     Ang triskaidekaphobia ay ang lubhang pagkatakot sa number 13. Hindi lamang ito nagdudulot ng mild discomfort sa mga taong may ganitong uri ng phobia. At dahil ito ay isang uri ng phobia, ito rin ay nagdudulot ng sintomas ng acute anxiety sa tao sa tuwing sila ay nakakasalamuha ng mga bagay na kanilang kinakatatakutan, kagaya ng pagkatakot sa numero 13. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pagkahilo, pagsusuka, hirap sa paghinga, mabilis na tibok ng puso, pagpapawis, at pagpa panic. Ang paglaktaw sa numerong 13 sa palapag ng mga building ay upang iwasan ang ganitong karanasan ng mga taong may disorder. 

     May ilan ding paniniwala na ang pagkatakot sa number 13 ay nagsimula sa pinakamatandang naisulat na libro sa kasaysayan - ang Code of Hammurabi. Kung ating balikan ang kasaysayan, nagsimula ang kauna unahang sibilisasyon ng daigdig sa Mesopotamia (na sa kasalukuyan ay ang bahagi ng Iraq, Kuwait, Turkey at Syria). Ang Code of Hammurabi ay naglalaman ng 282 na mga batas na isinulat ng mga skriba sa 12 tableta. Ayon sa mga istorya, sinadyang tanggalin ng may akda ang numerong 13 sa listahan ng mga batas. Subalit kalaunan, nadiskobre ng mga historian at archaeologists na isa lamang itong clerical error subalit hindi na maiiba ang paniniwala ng mga tao tungkol sa numerong ito.



     Isang teorya ang nagpapaliwanag na hindi naman talaga nawawala o nilalaktawan ang 13th floor lalo na sa mga gusali ng gobyerno, usap-usapang ito ay naglalaman ng mga pinaka-nakatatagong sekreto at lihim na mga transaksyon ng pamahalaan o di kaya ay may masasamang nangyayari sa loob nito na lingid sa kaalaman ng nakakarami. Isang additional na kaalaman, ang unang skyscraper na itinayo ay ang Home Insurance Building sa Chicago noong 1885. At ang gusaling ito ay walang 13th floor. 




     Noong nagsimula nang mag usbongan ang mga gusali sa malalaking syudad ng America, sinadyang laktawan ang numerong 13 sa paglalagay ng mga numero sa palapag ng mga gusali dahil nga sa paniniwalang malas ito at maaaring walang sinoman ang maisipang tumira o umupa sa 13th floor. At dahil nga naging colony ng mga Amerikano ang Pilipinas, nakagawian na rin natin ang ganitong paniniwala kaya halos lahat ng mga gusali dito sa ating bansa ay wala ding 13th floor. 

     Lahat tayo ay may iba’t ibang pinaniniwalaan. Ano’t ano paman ito, ang importante ay marunong tayong rumespeto sa paniniwala ng iba. Ang numero 13 ay hindi malas sa lahat ng pagkakataon. Si Taylor Swift nga ay ipinanganak ng December 13 at ayon sa kanya ay swerte ang numero 13. Sana nagustuhan mo ang kwentong ito. Maraming salamat kaibigan, hanggang sa susunod nating tampok dito sa Rewrite Facts PH.

0 comments:

Post a Comment